Bona

Thursday, September 13, 2012 0 comments


        Matagal na talagang nakaplano ang panunuod namin ng Bona, simula pa noong malaman ko na pasado ako sa PNLE, sa halip na kami ay kumain sa labas ay naisip kong sa isang play na lamang isama ang aking kaibigan. Umaga ng ika-8 Setyembre, idinaos din ang aming Oath Taking, kaya nagmadali din kaming umalis sa unibersidad upang hindi mahuli sa palabas. 

     Maaga pa rin kaming dumating sa PETA Theater kung saan itinatanghal ang BONA. Bago magsimula ay nag-usap kami ng aking kaibigan kung saan tungkol ang Bona, sabi ko basta ang alam ko lang, si Bona nagkagusto kay Gino na isang artista wannabe. Matapos makita ng kaibigan ko ang mga litrato na nakapaskil, bigla niya akong natanong kung medyo liberated daw ba yung papanuorin namin, ang sagot ko naman, "ahm, may kissing scene". (Nabigla ata siya matapos mapanuod ang ilang eksena na higit sa aking nasabi, ako din pala!)

Habang naghihintay, bumili naman din ako ng kanilang souvenir booklet kung saan pinakilala nila ang mga iba't-ibang gumanap sa dula pati na din ang mga tao sa likod nito. 


At siyempre hindi din mawawala ang kaunting pagkuha ng litrato. 
Meron pa talaga silang backdrop! Ayos!



         Ang Bona ay isang pagsasadula ng isang pelikula noong 80's, sa parehong pamagat, na ginanapan nina Nora Aunor at Phillip Salvador sa direksiyon ni Lino Brocka. Ang makabagong paglalahad ng istorya sa dulang Bona ay naging isang mala-komedya sa halip na puno ng drama tulad ng nasabing pelikula. May mga pagkakaiba din sa mga karakter tulad nalang ng pagiging call center agent (/online manghuhula/online English teacher sa mga Koreano) ni Bona na isa lamang estudyante sa orihinal na pelikula, sadyang inakma rin ang istorya sa ating kasalukuyang panahon.  Ang dulang Bona ay nasa ilalim ng direksiyon ni Soxie Topacio. 


(Medyo detalyado na ang mga susunod na mga talata at mga litrato, kung hindi niyo pa napapanuod ang Bona, mas maganda sigurong hindi niyo muna basahin, para hindi rin masira ang inyong panunuod, in short Spoiler Alert! Grabe mas mahirap palang magtagalog/filipino) 

Istorya
         Nagsimula ang dula sa isang video kung saan ipinakita ang Bonang isang deboto ng poong Nazareno.  Sa panahong iyon ay ipinagdarasal niya ang kanyang nobyo na si Jordon, na sa bandang huli ay ikinuwento rin niya sa imahe ng Nazareno ang nangyaring pag-iiwan sa kanya nito. Ang hiling na lamang niya ay maging masaya sa kanyang buhay at makilala ang taong magpapasaya at magmamahal sa kanya, ngunit tila may pagkasumbat na dating ang kanyang pagdarasal. 

        Kaarawan niya rin noon at sinurpresa siya ng kanyang mga kaibigan at kapamilya. Si Bona ang naging takbuhan ng kanyang mga kapamilya at kaibigan sa oras na kailangan nila ng tulong o sa mga oras na sadyang nagigipit sila. Alangan man si Bona sa pagtulong ay hindi rin naman niya matiis ang kanyang mga mahal sa buhay. 

     Sa araw din na iyon niya nalaman ang tungkol sa isang talent search sa channel 72, na Star of Tomorrow, matapos mabangit ng kanyang best friend na si Baldy at ni Raf na boyfriend naman ni Baldy. Sa panunuod ng nasabing palabas napukaw ang kanyang puso ng isa sa mga kalahok nito, si Gino Sanchez, na may nakakalungkot na istorya ng buhay, mula sa pagkamatay ng kanyang ina at  ang kanyang pangako dito na magiging isang sikat na artista siya balang araw.


         Naawa siya dito at naisip niyang tulungan ito sa pamamagitan ng pagtetext at pagsuporta para hindi siya kaagad matanggal sa patimplalak. Binuo ni Bona ang Gino's angels, lagi siyang pumupunta sa mga mall tour nito upang mamigay ng mga damit at posters ni Gino. Lagi niya ring dinadalhan ng Ensaymada si Gino dahil iyon ang kanyang paboritong pagkain. 


        Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay si Gino ang unang natanggal sa Star of Tomorrow. Hindi niya iyon lubusang natanggap kaya siya ay naglasing at nagwala sa isang bar. Doon din ay binugbog siya ng ilang mga kalalakihan dahil mayroon pala siyang tinakasang responsibilidad sa kanyang nakaraan. 

        Matapos ang mga insidenteng nabanggit, si Bona bilang isang tagahanga ay naawa pa rin kay Gino. Sa kabila ng lahat, hindi niya pa rin nakuhang mag-isip ng masama kay Gino. Dinala niya ito sa kanyang bahay at doon nagsimula ang kanilang malabong relasyon. Lalo ring napalapit ang loob niya kay Gino matapos nitong sabihin na siya ang tumatayong Anghel dela Guardiya nito.

        Sa una ay masaya naman si Bona sa mga nangyayari sa kanila, nagbitaw siya sa tabaho  para makapagpokus sa pag-aartista ni Gino at sa pagpo-produce ng kanyang Lunching Picture! (get it?!)  Ngunit dumating din siya sa puntong tila nagpapakatanga na lamang siya sa isang lalaki, nagpakabihag siya dito  sa paniniwalang balang araw ay masusuklian din ang lahat ng kanyang mga ginawa. Lahat ay ginawa niya para lamang kay Gino, naging sunud-sunuran siya dito parang isang katulong at humantong din sa pagkakataong ibinebenta na nito ang lahat ng kanyang mga gamit pati narin ang pamananang bahay ng kanyang mga magulang para lamang masustentuhan ang mga pangangailangan ni Gino.


             Sa magulong istorya ni Bona at Gino, isa rin namang Bert ang nagtapat ng pagmamahal kay Bona. Siya ang may-ari ng Condo na tinirhan nila ni Gino. Inalok ni Bert si Bonang magpakasal at nangakong bibigyan niya ito ng isang masagana at masayang pamilya, ngunit hindi niya nakuha ang puso ni Bona. Bukod doon, dumating din si Katrina, na kababata ni Gino. Sila naman ay nagkarelasyon, ngunit sa takot ni Ginong masaktan si Bona ay hindi niya masabi dito ang tungkol sa kanila. Pero tulad ng paniniwala natin, ang lahat din naman ng sikreto ay kalaunang mabubunyag. 


Pagpapaliwanag ni Gino:
" Ayaw kitang saktan dahil alam kong mahal na mahal mo ako. 
Kaya lang hindi kita kayang mahalin." 

          Matapos ibigay ni Bona ang lahat lahat para kay Gino, sa huli siya rin lang ang nawalan. Dahil ito nga ay isang istoryang trahedya, ang katapusan ng kwento ay hindi tulad ng kung saan tayong mga Pilipino ay nasanay -   laging happy ending (Ngunit hindi ko dito sinasabing walang bahid ng katatawanan ang naging pagtatapos). Ito ay nagtapos sa isang makapagdamdaming akto kung saan si Bona ay ibinuhos ang lahat ng kanyang pag-aalala, pagdaramdam, pagkalito at pagkapoot sa hindi inaasahang pagkakataon. (Literal!) 



      Bukod doon, ay mayroon din video sa huli na ipinakita ang isang interview ni Boy Abunda kay Bona, kung saan naitanong sa kanya ang nangyari sa pagitan nila ni Gino. Kung ako ang tatanungin hindi na kinakailangan ang video na iyon o sadyang hindi ko lang naintindihan kung ano man ang dahilan ng pagpapakita noon. 

Rated SPG
        
         Kung palabas ito sa telebisyon, iri-rate ko ito bilang SPG: Istriktong Patnubay at Gabay ng Magulang ay Kailangan dahil may maseselang tema, eksenang karahasan, lengguwahe at sekswal hindi maaaring angkop sa mga batang manunuod. 

Paboritong Eksena

         Ang aking paboritong eksena ay iyong nagsisigawan na sila Gino at si Baldy. Sa una ay nasabi ko sa sarili ko na ang karakter ni Baldy ay tulad lamang ng kadalasang ginagampanan ng mga homosekswal na kaibigan ng bida (magpatawa lang, na nakita sa unang parte ng dula) pero matapos ang eksenang ito nasabi ko na ibang klase pala ang pagganap ni Baldy dito. Ang galing lang talaga, galit kung galit! Mura kung mura! (Natanong ko din sa sarili ko kung bakit natatawa ang mga tao/manunuod sa tuwing may nagmumura?! Marahil hindi lang talaga akma sa eksena) 


Mga Gumanap 

Kung hindi ako nagkakamali,  sila ang mga gumanap noong kami ay nanuod:

Bona - Eugene Domingo
Gino  - Edgar Allan Guzman
Baldy - Joey Paras
Binky - Olive Nieto
Bert - Julienne Mendoza
Raf - Gab Santos
Bingo - BJ Forbes
Ronald - Jef Henson Dee 
Chiqui - Dudz Terana
Nini - Jason Barcial
Katrina - Anna Luna

Palakpak! Palakpak! Palakpak!
Hangang- hanga talaga ako sa lahat ng gumaganap sa mga play!
IMBA!

    
         Ninais kong panuorin ang dulang ito dahil kay Ms. Eugene Domingo. Inaamin ko na isa ako niyang tagahanga at matapos mapanuod and nasabing dula ay lalo ko pang napatunayan ang kagalingan niya sa larangan ng pag-arte at pagpapatawa, ngayon naman sa entablado. Hindi maipagkakaila ang natatanging talento niya  sa pagpapatawa at iyon ang lubos kong hinangaan sa kanya. Nakakatuwa at nakakatawang makita siya tuwing kinikilig habang nakikipag-usap kay Gino o kahit sa mga eksenang iniisip pa lang niya kung ano na ang sasabihin ng kanyang idolo sa pakikipagchat sa Facebook. Pero hindi ko rin masasabing iyon ay isa sa pinakamagaling niyang pagganap. Inaasahan ko na ang pagiging mabilis na pagpapalit niya ng emosyon dahil narin iyon ang kanayang naipakita niya sa kanyang mga pelikula tulad ng Kimmy Dora at Ang Babae Sa Septic Tank, pero hindi ko ganoong naramdaman ang mga dapat ay nakakaiyak o nakakalungkot niyang eksena. (Siguro ay dahil narin mas nangingibabaw ang komedya sa buong palabas at dahil na rin sa mga side comments ng mga manunuod na kahit seryoso na ay nagiging kakatwa pa rin. Naisip ko lang din, sinasabi nilang patayin o i-silent ang mga telepono dahil baka ma-distract ang mga umaarte pero kung makapagreact naman ang ibang mga manunuod, kadalasan wala sa lugar at rinig buong teatro.) 

         Ito naman ang unang beses kong mapanuod si Edgar Allan Guzman, at tulad kay Eugene, hinangaan ko din ang kanyang mabilis na pagpapalit-palit ng emosyon, kahit sa pagkakataong halatang pilit lamang ang mga ito. Masasabi kong naging epektibo siya sa kanyang pagganap dahil buong palabas akong inis na inis sa kanya! Sino bang matutuwa sa ganoong lalaki? (sabi ko nga, si Bona!) Buysit! 

         Si Joey Paras naman ang aking paborito sa lahat ng gumanap, nakakatawa talaga siya lalo na yung pinipilit siya ni Bona na sumama sa mga mall tours ni Gino at napapayag lamang siya nang magpakita si Bona ng sleeveless at hanging version ng Gino's angels fan shirt at sa mga eksenang paulit-ulit niyang pinapaliwanag ang mga dahilan ng hindi niya pagbabayad kay Bona ng mga utang. Nagalingan din ako Kay Olive Nieto, sa kanya lang ako medyo naiyak noong humihingi na siya ng tulong kay Bona matapos maaksidente ang anak nitong si Bingo. At hindi ko rin makakalimutan ang mga havey na havey na pick-up lines ni Julienne Mendoza bilang Bert. Isa sa aking mga naaalala ay nang binigyan niya ng bulaklak si Bona. 

(Hindi aktwal na script, hindi ko maalala eh)

Bona: Mumurahin lang ata itong mga bulaklak na ito eh.
Bert: Bakit naman ako bibili ng MURA, eh nagmaMAHAL ako!
BOOM!

     Maiba lang, pareho pala kami ng nasabi ng kaibigan ko na parang ang tanda na ni Eugene kung ikukumpara kay Edgar (Pero mukhang ganoon talaga ang nais nilang maipakita sa pagkakasabi na ito ay tungkol sa isang spinster o old maid na call center agent). Kaya lang, hindi maiaalis na isipin ng isang manonood, na marahil ang naging dahilan ng hindi pagkagusto ni Gino kay Bona ay dahil malayo ang agwat ng edad nila, na naging parang sugar mommy lang niya si Bona na kanyang ginamit lamang (pagkaperahan) sa pagkamit ng kanyang panagarap na maging isang sikat na artista. 

Sa teatro...
   Limitado ang mga maaaring gawin. Isang patunay na ay ang pagbagsak ng tila karatulang star of tomorrow sa bahay ni Bona. Ang Bath Tub na ginawa na lamang kakatwa sa isip at paningin ng manunuod  matapos maikumpara sa isang malaking lababo. Naipakita din paggamit din ng mga maiiksing video upang mapunan ang mga eksenang  marahil ay mahirap nang maipakita sa entablado. 

Pagninilay

     Sa aming pag-uwi matapos ang palabas, nabanggit sa akin ng aking kaibigan na nagustuhan niya ang pinanuod namin lalo dahil sa istorya nito. Inihalintulad niya si Bona sa mga tao, si Bert sa Panginoon at si Gino sa mga idolo (idols/idolatry). At masasalamin sa kanilang buhay/relasyon ang nangyayari sa ating kasalukuyang panahon.

       Ang mga tao ngayon (sa bagay kahit dati parin pala) ay nagkakaroon ng kani-kanilang mga sariling idolo (maparelihiyon man o sa iba't-ibang bagay/tao/ideya sa mundo), na pinaniniwalaan at sinasamba, na kadalasan ay humahantong na rin sa mga pagkakataong hindi na talaga tama o nararapat ang kanilang mga ginagawa. Si Bert naman bilang Panginoon ay nandiyan, hinihinging papasukin siya sa buhay ni Bona (mga tao), ngunit hindi siya pinayagan ni Bona, dahil nabihag/ nabulag na rin siya ng kanyang ginawang idolo. 

Mga aral

        Marami sa atin ay marahil tulad din ni Bona,na naging isang masugid na tagahanga, pero huwag sanang umabot sa pagkakataong kalimutan na natin ang ating sarili, ating mga kaibigan at kapamilya para lamang sa isang idolong hindi naman karapat dapat sa ating paghanga at pagmamahal. Alam dapat natin ang ating mga limitasyon. Sa una rin siguro ay hindi naman natin maiisip na magagawa natin iyong mga ganoong bagay pero sadyang mapanlinlang ang mundo natin, nasa sa atin na lamang kung magpapadala tayo dito,

           Hindi rin tayo dapat naghihintay ng kapalit sa mga bagay na gagawin natin sa ibang tao. Dapat ay taos puso at buong pagmamagal natin iyong gagawin.


At huwag na huwag na kayong magpapaligo sa ibang tao, lalo na kung kasing laki na kayo ni Gino, okay?!


    

Kung gusto niyo tumawa at sumaya, para sa inyo ang Bona!




Ang mga posters ay nagmula sa superstarnoraaunor.com at spot.ph
Ang mga litrato sa aktwal na dula at press con ay mula sa philippines.broadwayworld.com

Bisitahin ang online site ng PETA theater sa petatheater.com
Kung nais naman makapanuod ng Bona, maaring bumili ng ticket sa ticketworld.com.ph
Hanggang ika-23 ng Setyembre na lamang ang Bona, kaya nuod nuod na rin!




0 comments:

Post a Comment

Thanks for reading! I'd like to know what you have to say, do leave a comment :)